BALITA MULA ABRA

Marahil isang tuldok na lamang sa kasaysayan
Ang kalagimang iyon.
Ngunit walang patid na paalaala
Ang nagbabalik mula noon.
Alay sa mga bungo’t katawang sumambulat
Na di nakapagpaalam sa mga dapat habilinan.
Hanggang ngayo’y di pa rin mapalagay
Pagka’t doo’y patuloy ang paglalamay.

Ang kabundukan ay higanteng anino
Na kuyom ang poot
Nakatunghay nang ika’y pinaslang, Josefina.
Kalong ang anak na apat na taong gulang pa lamang
Ipinagdasal mo nang taimtim ang buhay
Na pinugto sa iyong sinapupunan.

Sa mga naulila,
Mapait, sagana ang luhang umalpas
Nagtatagis ang galit at dilim ng kagubatan
Bukas o makalawa, hahagkan ang lupang
Yumakap sa mga abo
Babalikan ang mga hibla
Ng mga nakapiling at itinangi.

Ang paglikas ay hindi karuwagan
Ang pagtalilis sa kasukalan
Ay pagdugtong pa sa buhay
Humayo kayong akay-akay ng gabi
Tinutugis ng lupit ng M16
Bumubuga ang usok at pulbura
Saan ma’y amoy ang hininga ng pasista.

Marahil nga’y isang balita na lamang
Ang kalagimang iyon.
Pana-panaho’y bumubulaga ang mga larawan
Hindi natuldukan sa kasaysayan.

Hindi kailanman mapapakali sa mga balita
Dahil doo’y tumitindi ang pakikidigma.

(Naisulat ang tulang ito noong maagang bahagi ng 1980s,
kasagsagan ng militarisasyon sa Abra. Matapos ang tatlong
dekada, nasa Abra pa rin ang tuon ng pansin dahil sa mga
malulubhang kaso ng paglabag ng estado sa karapatang pantao
ng mga mamamayang naghahangad ng pagbabago sa lipunan.)

tula ni Luchie Maranan

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s